Nanawagan si Senate Health Committee Chairman Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na paigtingin ang kampanya laban sa mga sakit na nagsusulputan ngayong tag-ulan.
Una rito, nagbabala ang DOH sa inaasahang pagtaas ng kaso ng leptospirosis at iba pang mga sakit na maaaring makuha sa tag-ulan tulad ng cholera at sa pag-inom ng mga kontaminadong tubig.
Umapela ni Go sa DOH na paigtingin ang kanilang mga campaign programs laban sa leptospirosis at iba pang sakit.
Hinimok din ng senador ang ahensya na palakasin ang kanilang information dissemination upang maipaunawa sa mga tao kung saan nakukuha ang mga sakit, papaano ito maiiwasan, at ano ang dapat na gawin sakaling may tamaan ng karamdaman.
Iginiit pa ni Go na sadyang lantad ang publiko ngayon sa maraming sakit lalo’t mabilis tumaas ang baha bukod pa sa maraming mabababa at masisikip na lugar sa Metro Manila.
Hiling ng mambabatas sa DOH na palaging paalalahanan ang mga kababayan sa sanitation o kalinisan habang ang publiko naman ay huwag basta-basta lulusob sa baha.
Nauna na ring nagpaalala ang DOH sa publiko na magsuot ng bota kapag lulusong sa bahang lugar at pakuluan ang iinuming tubig na mula sa gripo. –sa panulat ni Dang Garcia, DZME News