Tiniyak ni Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party List Representative Erwin Tulfo, na magiging aktibo na ang kanyang paglahok sa mga aktibidad sa Kamara sa pag-upo niya bilang representante sa darating na Lunes.
Sa pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni Tulfo na wala nang magiging balakid sa kanyang pag-upo bilang kongresista matapos i-dismiss ng COMELEC ang disqualification case laban sa kanya.
Nais ni Tulfo na maghain ng resolution sa kamara para tingnan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nagpapapirma sa isang mediaman sa mga drug operations ng PDEA at PNP.
Isusulong ng mambabatas na tuluyan nang alisin ang naturang probisyon dahil nalalagay lamang sa peligro ang buhay ng mga mamamahayag tulad ng nangyari kay Remate photojournalist Joshua Abiad.
Bukod rito, nais ding tutukan ni Tulfo ang Magna Carta for Media na nagpapatibay sa seguridad at proteksiyon ng mga mamahayag.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng proteksyon ang mga maliliit na mediaman sa kanilang security of tenure sa mga kumpanya na kanilang pinapasukan. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News