dzme1530.ph

PANGULONG MARCOS PINAYUHAN SI DSWD SECRETARY ERWIN TULFO NA IPAGPATULOY ANG TRABAHO SA KABILA NG DEFERMENT NG CA

Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr si Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo na ipagpatuloy ang pagtatrabaho matapos ipagpaliban ng Commission On Appointments ang deliberasyon sa kanyang ad Interim Appointment.
Sa Kapihan sa Manila Bay Forum, tumanggi si Tulfo na magkomento sa deferment ng kanyang nomination, sa pagsasabing ayaw niyang maimpluwensyahan o pangunahan ang pinal na desisyon ng komisyon.
Gayunman, inamin ng kalihim na humingi siya ng guidance kay Pangulong Marcos hinggil sa usapin ay tinugon siya nito sa pamamagitan ng text message at sinabihang ituloy lamang niya ang trabaho.
Noong martes ay kinuwestiyon sa hearing ng CA Committee on Social Welfare and Development ang citizenship at libel issues ni Tulfo.
Naungkat din ang makulay na buhay pag-ibig ng kalihim at pagkakaroon nito ng sampung anak sa apat na magkakaibang babae.
Sa kabila naman ng deferment, inihayag ni Tulfo na ang kanyang appointment bilang DSWD Chief ay valid hanggang march 2023.

About The Author