dzme1530.ph

Grupo ng mga consumer, hiniling sa court of appeals na rebyuhin ang resolusyon ng DOE

Naghain ng petisyon ang grupo ng mga consumer sa Court of Appeals para hilinging rebyuhin at ipawalang bisa ang mga resolusyon na inilabas ng Department of Energy (DOE).

Sa 74 na pahinang petition for certiorari, hiniling ng Power for People Coalition (P4P) sa appellate court na ideklarang null and void ang dalawang resolutions ng DOE na nagbabasura sa kanilang petisyon noong April 2022 bunsod ng lack of jurisdiction.

Sa kanilang petisyon, inihirit ng P4P sa DOE na maglabas ng corrective measures sa isang department circular na inisyu nito noong 2015, kung saan inaatasan ang lahat ng power utilities na mag-supply ng kuryente sa pinakamurang paraan upang mapalakas ang kanilang market sa pamamagitan ng competitive selection process (CSP).

Hiniling din ng petitioners sa korte na mag-isyu ng writ of certiorari na nagdedeklarang null and void ang non-retroactivity clause ng 2015 DOE circular.

Kabilang sa respondents ang DOE at ang Energy Regulatory Commission.

Inihayag ni Atty. Luke Espiritu, legal counsel ng P4P, na ang punto ng power supply agreement ay upang makakuha ng stable supply na magbibigay ng proteksyon sa mga consumer mula sa mataas na singil sa kuryente. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author