Naniniwala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na may pag-asang makapasa sa Senado ang panukalang P150 legislated wage hike.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na mismong si Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ang nagsusulong nito bukod pa sa suportado ng mayorya ng mga senador kaya tiwala syang posibleng maipasa ang panukala.
Iginiit ng senadora na kahit sabihing tutol sa panukala ang economic team ng administrasyon ay hindi naman maikakailang ang lumalaking suporta sa legislated wage hike bill ang nagtulak sa National Capital Region (NCR) wage board na kumilos at aprubahan ang P40 na dagdag sa daily minimum wage sa Metro Manila.
Ang hakbang din anyang ito ay maaaring makapagsimula ng trend sa iba pang mga regional wage boards na kumilos at itaas din ang arawang sahod ng mga manggagawa sa iba pang mga rehiyon sa Pilipinas.
Bukod sa wage hike, nananawagan din si Hontiveros na simulan nang talakayin ang reporma sa wage setting sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News