Isa nang ganap na batas ang Maharlika Investment Fund Act na lilikha ng sovereign wealth fund ng gobyerno para gamitin sa pag-iinvest.
Sa seremonya sa Kalayaan Hall sa Malakanyang ngayong Martes ng umaga, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 11954 o “an act establishing the Maharlika Investment Fund”.
Sa ilalim nito, gagamitin ang pondo ng gobyerno bilang kapital sa investments upang palaguin at makalikha ng karagdagang kita.
Kabilang sa mga pagkukunan ng Maharlika Fund ay ang pondo ng Landbank, Development Bank of the Philippines, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Philippine Amusement and Gaming Corp.
Ang signing ceremony ay sinaksihan din nina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Finance Sec. Benjamin Diokno, National Economic and Development Authority Sec. Arsenio Balisacan, Budget Sec. Amenah Pangandaman, at iba pang mambabatas at opisyal.
Ang Maharlika Fund Law ay inaasahang isa sa mga babanggitin ng pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address sa Lunes. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News