Sinimulan na ng Malakanyang ang countdown para sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo a-24.
Ito ay kasabay ng paghikayat ng Palasyo sa mga Pilipino na tutukan ang SONA ng Pangulo.
Sa Facebook post, inimbitahan ng Presidential Communications Office (PCO) ang publiko na pakinggan ang mga mithiin ng Pangulo para sa nagkakaisang bansa.
Samantala, kasabay ng PCO ay nagpalit na rin ng kani-kanilang cover photos sa social media ang mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan, upang hikayatin ang lahat na panuorin ang SONA.
Una nang sinabi ng Pangulo na magiging napaka-simple lamang ng kanyang ikalawang SONA at iu-ulat niya sa publiko kung ano ang mga napag-usapan noong nakaraang taon, kung ano ang mga nagawa na, at kung ano ang mga gagawin pa lamang.
Ibibigay ng Pangulo ang kanyang ulat sa bayan sa Batasang Pambansa sa Quezon City at magsisimula ito alas-4:00 ng hapon na mapapanuod via livestream sa Facebook page ng PCO at Radio Television Malacañang. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News