dzme1530.ph

Gobyerno, hinimok na patunayan ang pagkakaroon ng maaasahan at may prinsipyong pamamahala

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang administrasyong Marcos na patunayan ang pagkakaroon ng pamamahala na may prinsipyo, may pananagutan at maasahan.

Naniniwala si Hontiveros na sa ngayon ay hindi pa taglay ng pamahalaan ang kahulugan ng bagong slogan nito na “Bagong Pilipinas” lalo’t sa unang taon ng pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos ay ‘incomplete’ ang kanyang grado.

Nilinaw naman ng senador na hindi niya pinipigilan ang gobyerno na magkaroon ng slogan pero para sa kanya ay dapat maging makatotohanan ito dahil lumilitaw na puro pangako pa lang ang pamahalaan pero kulang na kulang pa sa pagtupad ng mga programa at proyekto.

Iginiit pa ng mambabatas na ang “Bagong Pilipinas” slogan ay katulad din ng “Bagong Lipunan” na slogan naman ng dating administrasyong Ferdinand E. Marcos na ang naiwang ligasiya ay paglabag sa karapatang pantao at pandarambong.

Binigyang diin ng mambabatas na kung magre-rebranding ang pamahalaan ay dapat na i-timing ito nang maayos kung saan talagang may makikitang pagbabago ang mga Pilipino. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author