dzme1530.ph

Mga pekeng empleyado ng gobyerno hinarang ng Bureau of Immigration

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong babae na nagpanggap bilang mga empleyado ng gobyerno.

Batay sa impormasyon na nakuha ng BI mula sa travel control at enforcement unit, nagpakita ng dokumento ang mga babae sa ginawang primary immigration inspection noong Hulyo 9, kaugnay ng kanilang pagtungo sa Jeju Island, South Korea sakay ng Scoot airlines flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Nagkwento ang mga babae sa mga awtoridad ng kanilang paglalakbay bilang mga empleyado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Batay sa mga dokumentong ipinakita ng mga kababaihan, napag-alamang hindi magkakatugma ang kanilang mga pahayag kaugnay sa kanilang trabaho.

Nang maglaon ay inamin din ng tatlong naharang na binili nila ang kanilang mga dokumento sa isang stall sa Quiapo, Maynila.

Hinala ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang tatlo ay nabiktima o na-recruit para sa iligal na pag-tatrabaho sa Korea.

Bukod ditto inamin din ng mga babae na nagbayad sila ng P150,000 sa isang contact na nakilala nila sa pamamagitan ng Facebook para iproseso ang kanilang mga dokumento.

Sa kasalukuyan ang kanilang kaso ay isinangguni na sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author