dzme1530.ph

Internal agreement ng NGCP, paglabag sa konstitusyon!

Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na posibleng paglabag sa konstitusyon ang shareholder agreement ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na pumipigil sa majority shareholders na magsagawa ng emergency decisions maliban na lamang kung may presensya ng minority members.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na may probisyon sa saligang batas na naglilimita sa foreign stake sa public utilities hanggang 40% upang protektahan ang interes ng mga Pilipino.

Sa kaso ng NGCP, sinabi ni Gatchalian 60% ang Filipino board members habang 40% ang hawak ng State Grid Corporation of China (SGCC).

Gayunman, alinsunod sa kanilang shareholder agreement, hindi maaaring magsagawa ng board meeting nang wala ang minority shareholders.

Sinabi ni Gatchalian na dahil dito ay nakatali ang mga kamay ng Filipino shareholders.

Ipinaalala ng senador na ang mga Pinoy dapat ang nasa kontrol ng korporasyon dahil malinaw sa konstitusyon na 60% ng kapital ng public utilities ay dapat na pag-aari ng mga Pinoy.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni NGCP Assistant Corporate Secretary Atty. Dylan Concepcion na suportado ng desisyon ng Korte Suprema ang kanilang internal agreement subalit bigo naman itong tukuyin ang ispesipikong kautusan ng Supreme Court. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author