Kinalampag ni Sen. Ramon Bong Revila Jr. ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa naranasang malawakang pagbaha kaugnay sa malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Sinabi ng Senador na dapat pag-aralan ng mga ahensya ng gobyerno kung bakit naging mabilis ang pagbaha bunsod ng mga pag-ulan at mabagal na paghupa nito.
Sa kabila ito ng pagmamalaki ng DPWH sa pagdinig sa Senado noong Marso 8, 2023 na handang-handa na ang kanilang ahensya maging ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) para sa tag-ulan.
Tinukoy ni Revilla ang pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila na naging sanhi ng maghapong pagsisikip ng trapiko dahil maraming kalye ang hindi madaanan lalo na ng mga maliliit na sasakyan.
Hinahanap anya nila ang sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa.
Pinakamalala ang naging sitwayon sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) na halos maghapong hindi umuusad mula bukana ng Laguna hanggang Crossing, EDSA ang pila ng mga sasakyan.
Sinabi ni Revilla, Chairperson ng Senate Committee on Public Works na dapat unahin ang proteksyon at pangangalaga sa mga motorista at pasahero na paulit-ulit na nahihirapan tuwing bumubuhos ang ulan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News