Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang contract signing ng tatlong contract packages ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.
Sa seremonya sa President’s hall sa Malakanyang, sinelyuhan ang contract package S-01, S-03A, at S-03C na bahagi ng south commuter railway project ng NSCR system.
Sa ilalim ng CP S-01, itatayo ang 1.20 kilometer railway viaduct at ang Blumentritt station, at ang kontrata ay nagkakahalaga ng P12-B.
Bahagi naman ng P22-B CP S-03A ang 7.9 kilometer viaduct railway kabilang ang elevated station sa Buendia, at grade stations sa EDSA at Senado.
Nasa ilalim naman ng CP S-03C ang konstruksyon ng 5.8 kilometer viaduct railway kasama ang elevated station sa Bicutan at Sucat station, at nagkakahalaga ito ng P18-B.
Target simulan ang konstruksyon sa 4th quarter ng taon, habang sisikapin namang masimulan ang full operations sa 2029.
Ang north-south commuter railway ay magkakaroon ng kabuuang haba na 147 kilometers na magko-konekta sa Clark, Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News