Kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang nalalapit na paglulunsad ng modernization program ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng digital app na OFW Pass na magsisilbing digital alternative sa lumang Overseas Employment Certificate (OEC).
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Ople na ang naturang DMW mobile app ay sumasailalim na masusing pagsusuri ng Department of Information and Communications Technology (DICT) bago ilunsad sa publiko.
Ayon sa kalihim, ang paggamit ng OFW Pass ay dahil na rin sa kahilingan ng mga OFW na magkaroon ng konbinyenteng kapalit ng gawa sa papel na OEC na nagkakahalaga ng ₱100.
Sa utos ni Pangulong Marcos Jr., ang OFW Pass at DMW Mobile App ay libre sa lahat ng OFW users.
Base sa data ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tumaas ng 3.2% o katumbas ng $10,487,040 ang dollar remittance na ipinasok ng mga OFW sa bansa mula January hanggang April 2023, mas mataas sa $10,166,678 noong 2022.
Dagdag pa ni Ople, hinihintay na lamang nila ang go signal ng DICT upang mailunsad na ang OFW Pass at DMW App na magiging available sa Google Play and Apple Store. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News