dzme1530.ph

P7.3-M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam ng BOC-Zamboanga

Naharang ng pinagsanib na pwersa ng joint maritime patrol operation ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) ang isang wooden motorized watercraft, “Jungkong FB Hayarana” kung saan nakumpiska ang P7.3-M halaga ng smuggled na sigarilyo sa karagatang sakop ng Brgy. Manalipa, Zamboanga City.

Ang bangkang Jungkong ay naglalaman ng 203 master case at 66 reams ng sari-saring sigarilyo ng iba’t ibang brand gaya ng Modern, New Far, Fort, Cannon at San Marino.

Saad pa ng BOC-Zamboanga, nabigo ang anim na tripulante na magpakita ng mga dokumentong nagpapatunay sa regularidad o prior importation sa pag-angkat ng mga sigarilyo, at pag-transport nito sa Zamboanga City.

Ayon kay District Collector Arthur G. Sevilla Jr., ang pagsakote ay bunga ng pinalakas na maritime operations ng BOC Port of Zamboanga katuwang ang 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne” at W2 Tactical Operations Wing Western Mindanao at Philippine Air Force, na bahagi ng pangako na pigilan ang tahasang smuggling sa rehiyon ng Zambasulta.

Alinsunod din aniya ito sa direktiba ni Commissioner Bienvenido Rubio na palakasin ang kampanya ng BOC laban sa smuggling at iba pang pandaraya na dumadaan sa customs.

Ang mga nasakoteng sigarilyo ay nasa custudiya na ng BOC Zamboanga, para sa proper disposition kabilang na ang ginamit na sasakyang-pandagat, na ngayon ay nahaharap sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016 in relation to Section 117 ng Tobacco Exportation at Importation Rules and Regulations. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author