Ipinagmalaki ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang kanilang pagiging isa sa mga ahensyang nakapagbibigay ng pinakamalaking kita sa gobyerno.
Sa selebrasyon ng ika-40 anibersaryo ng PAGCOR sa Manila Marriott Hotel sa Pasay City, inihayag ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na mula nang maitatag ang ahensya, umabot na sa kabuuang P607-B ang kanilang Contributions to Nation Building (CNB).
Mula naman noong 2011 ay pumalo na sa P64-B ang kanilang total dividends remittances, kaya’t umaabot na ang kanilang total contributions sa P671-B.
Samantala, sa unang taon naman ng administrasyong Marcos ay umabot na sa P45-B ang kanilang CNB, at nakikitang aakyat ito sa P70-B sa pagtatapos ng taon.
Ibinida rin nito ang pagpopondo sa Universal Health Care Act, pagtulong sa pagbili ng medical at non-medical equipment sa presidential security group station hospital, pagdo-donate ng P300-M na halaga ng medical equipment sa OFW hospital sa Pampanga, pagpopondo sa rehabilitasyon ng sports facilities na ginamit sa 30th Sea Games, at ang kontribusyon sa pagtatayo ng multi-specialty medical center sa Clark, Pampanga.
Samantala, sa kanyang talumpati ay pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagiging haligi ng PAGCOR sa tourism industry ng bansa na lumikha ng maraming trabaho, programa para sa mga atleta, pagtatayo ng community wellness at socio-civic centers, school building projects, feeding activities, at iba’t ibang programa sa education sector. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News