Pinigilan ng Bureau of Immigration (BI) na makalabas ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang limang traveler na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nagpakilalang turista ang limang pasahero na sumakay ng Philippine Airlines flight papuntang Thailand, ngunit bandang huli ay nadiskubre na sila ay patungong United Arab Emirates.
Pinagdudahan ang biyahe ng limang pasahero lalo na at hindi nagtutugma ang kanilang mga sagot sa mga tanong.
Ayon kay Tansingco, deklarasyon nila ay magbabakasyon lamang na inisponsoran ng kaibigan at kapatíd ng isa sa limang traveler, ngunit sa secondary inspection ay inamin ang tunay nilang destinasyon.
Sinabi ni Tansingco na karaniwang ganito ang ginagawa sa biktima ng human trafficking na pinapupunta sa third world country bago papuntahin sa kanilang final port of destination. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News