dzme1530.ph

Sen. Gatchalian, tiwalang maiba-ban na ang POGO sa bansa

Umaasa si Senate Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian na nalalapit na ang tuluyang pagpapasara sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na anya’y nagiging ugat ng korapsyon sa sistema sa bansa.

Sinabi ni Gatchalian na sa pinakahuling survey, lumilitaw na 70% na ng mga Pilipino ang takot at ayaw na sa POGO.

Sinabi ng senador na posibleng tumaas pa ang magnanais na mapalayas na sa bansa ang mga POGO lalo na sa mga pinakahuling insidente kung saan maging ang mga accredited POGO service provider ay nagagamit lamang na ‘front’ ang operasyon para maisakatuparan ang kanilang mga criminal activities sa bansa.

Bukod dito, dalawang lagda na lamang ang kailangan ni Gatchalian para sa kanyang committee report sa imbestigasyon ng Senado sa mga benepisyo at krimeng kaakibat ng mga POGO.

Tiwala rin ang mambabatas na kahit hindi makakuha ng sapat na boto ang committee report ay maaari pa ring mapatigil ang operasyon sa pamamagitan ng aksyon ng ehekutibo matapos na rin niyang isumite kay Pangulong Bongbong Marcos ang chairman’s report kaugnay sa POGO.

Sa pakikipag-usap ng senador kay Pangulong Marcos, nagpahayag na rin ito ng pagkabahala sa epekto ng POGO at maging ang economic managers ay sumasang-ayon na rin na ipagbawal ang mga POGO sa bansa dahil sa reputational risk na dulot nito. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author