dzme1530.ph

Pagbili ng PCG ng luxury vehicle, kukuwestyunin sa budget hearing

Balak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kwestyunin sa budget hearings ang napaulat na pagbili ng Philippine Coast Guard (PCG) ng luxury vehicles.

Ito ay kasunod ng ulat ng Commission on Audit (COA) na bumili ang PCG ng mga mamahaling sasakyan noong 2022 kahit na mayroong ban sa procurement.

Kasama sa mga binili ang Toyota Land Cruiser Prado na nagkakahalaga ng P5-M, sa kabila ng inilabas na Administrative Order 14 na nagsasaad na hindi maaaring bumili ng luxury vehicles ang lahat ng ahensya ng gobyerno.

Sa panig naman ni Senador Sonny Angara, iginiit nito na dapat alam ng PCG ang bawat kautusan ng administrasyon upang alam nilang sundin ito.

Iginiit ni Angara na trabaho ng mga abogado at legal offices ng bawat ahensya na alamin ang mga kautusan at tiyaking nasusunod ito.

Bumili rin ang PCG ng hatchback car, passenger van, AUV at SUV bukod pa sa ginastos na P2.8-M para sa bulletproofing sa Land Cruiser Prado. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author