Ipinabatid ng Business Executives for National Security (BENS) ang interes na mag-invest sa health, digital infrastructure, at energy programs ng Pilipinas.
Ito ay sa pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng US business leaders na miyembro ng BENS.
Sa meeting sa Malakanyang, itinanong ng BENS sa pangulo ang business opportunities sa healthcare system partikular sa nursing industry, gayundin sa digital infrastructure at energy.
Ipinagmalaki naman ng pangulo ang nakatakdang pagtatayo ng malaking multi-specialty hospital sa labas ng Metro Manila, at ang planong pagtatayo ng mga ospital sa malalayong lugar.
Nire-resolba na rin ng Department of Health ang shortage ng Pinoy healthcare workers na bunga ng mataas na demand sa kanila ng ibang bansa.
Isinusulong na rin ang ease of doing business, at ang paggamit ng makabagong teknolohiya para sa enerhiya.
Sinabi rin ni Marcos na inamyendahan na ang ilang mga batas upang makahikayat ng mas maraming investors, at ipinatutupad na rin ang digitalization sa gobyerno at maging sa pribadong sektor. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News