dzme1530.ph

DOJ, nakatanggap ng 5000 insidente ng harrassment dahil sa paniningil ng utang

Halos limang-libong reports ng harassment o ilegal na paniningil ng utang ang natanggap ng Department Of Justice (DOJ) simula 2020 hanggang 2022.

Sa Media Briefing sa Sim Card Registration Act, sinabi ni Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla na tumanggap ang kanilang Office of Cybercrime ng kabuuang 4,899 reports ng iligal na paniningil ng utang mula sa Online Lending Companies, kung saan ginagawa ang harassment sa pamamagitan ng phone calls o text messages.

Sa datos mula sa National Prosecution Service, inihayag ni Remulla na ang disposition rate kaugnay ng Cybercrime at Cyber-related cases ay lumobo sa 1,218 cases noong 2022 mula sa 601 cases noong 2020.

Aniya, tumaas din sa 30% ang conviction rate noong 2022 mula sa 25% noong 2020.

Umaasa ang kalihim na sa pamamagitan ng full implementation ng batas ay tataas pa ang disposition at conviction rates.

Samantala, tiwala rin si Remulla na mas madali nang matutukoy ang mga suspek at biktima ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children sa pamamagitan ng Sim Registration Act.

About The Author