dzme1530.ph

Lupang sakahan sa bansa, madaragdagan ng 1-M ektarya sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na madaragdagan ng isang milyong ektarya ang lupang sakahan sa bansa, sa ilalim ng nilagdaang New Agrarian Emancipation Act.

Sa press briefing sa Malakanyang matapos ang ceremonial signing ng batas, sinabi ng pangulo na magagamit na ngayon bilang sakahan ang isang milyong ektarya ng lupa, matapos ang pag-condone o pagsasantabi sa utang ng agrarian reform beneficiaries.

Idinagdag pa ni Marcos na sa kasalukuyan ay nasa 2.5-M hectares ang lupang ginagamit para sa pagtatanim ng palay, at ang karagdagang 1-M hectares ay makapagpapalakas ng produksyon.

Ito umano ang magiging daan upang makamit ang sapat na suplay ng bigas sa buong taon, tungo sa mithiin sa food security.

Idinagdag pa ng pangulo na mapo-protektahan nito ang Pilipinas mula sa masamang epekto sa ekonomiya ng mga pangyayari sa iba’t ibang bansa.

Matatandaang sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act, isinantabi na ng gobyerno ang P57.55-B na utang ng 610,054 agrarian reform beneficiaries. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author