Umaasa si Senador Imee Marcos na agad nang maibibigay sa mga magsasaka ang pag-aari sa kanilang lupang sinasaka kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New Agrarian Emancipation Act na nagpapalaya anya sa mga magsasaka mula sa kanilang utang.
Sinabi ng senadora na ang batas na ito ang kauna-unahang kongkretong hakbang sa katuparan ng pangarap ng kanyang yumaong ama kasunod ng Presidential Decree No. 27 na nagdedeklara ng paglaya ng mga magsasaka sa pagkakagapos sa utang sa mga inuupahang lupain na kanilang sinasaka.
Nagpasalamat din ang mambabatas sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong sa pagbibigay prayoridad sa repormang agraryo sa kanyang administrasyon.
Binigyang-diin pa ng senadora na kung tutuusin ay bayad na ang mga magsasaka sa utang nila dahil sa ibinuwis nilang luha, pawis, at taun-taong paghihintay na makamtan ang lupang sinasaka.
Ipinaalala pa nito na ang yaman ng bansa ay hindi lamang matatagpuan sa kayamanan ng ating lupa kundi sa kalayaan at kaganapan ng mga taong nagpapagod para dito.
Sa ilalim ng bagong batas, mababalewala na ang P58-B utang ng may 600,000 na magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program at maibibigay na ang may halos 32,000 titulo sa may halos 24,000 benepisyaryo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News