Sa kabila ng posibleng pag-amyenda ng kanyang panukala, iginiit ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na tuloy ang pagsusulong niya ng P150 across the board legislated wage hike.
Ito ay sa gitna ng inaprubahang P40 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa NCR.
Ipinaliwanag ni Zubiri na simpleng mathematics lamang ito kung saan ang P40 na wage board increase at ang isusulong na P100 legislated wage increase ay katumbas ng P140 na hindi rin naman nalalayo sa P150 na dagdag sa sahod na kanyang isinusulong.
Binigyang-diin ng senate leader na tuloy pa rin ang kanyang pagsusulong sa P150 na dagdag sa sweldo sa buong bansa dahil ang P40 daily wage increase ay para lamang sa mga manggagawa sa NCR.
Ipinaalala ng senador na ang mga manggagawa sa mga lalawigan ay pareho lamang din sa mga taga lungsod na masigasig na nagtatrabaho at nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya mahalagang matiyak na nagrereflect sa tunay na sitwasyon ang kanilang mga sahod. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News