Hiniling ng prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na mag-inhibit ang Muntinlupa court judge na humahawak sa natitirang drug case ni Senador Leila de Lima.
Sa walong pahinang motion, ipinunto ng prosecution na ang kanilang hakbang para sa inhibition ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara ay upang matiyak ang “just and fair administration of justice.”
Tinukoy ng prosekusyon ang pag-abswelto ni Alcantara kay De Lima sa kasong kinasasangkutan ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos at dating driver-bodyguard na si Ronnie Dayan, dahil sa “reasonable doubt.”
Kamakailan ay ini-raffle ang kaso ng dating senador kay Alcantara makaraang bitawan ito ni Branch 256 Judge Romeo Buenaventura noong June 15 makaraang kuwestiyunin ang hindi nito pagbubunyag, na nagsilbing abogado ni yumaong Oriental Mindoro Cong. Reynaldo Umali ang kanyang kapatid.
Matatandaang si Umali ang chairman ng House justice committee, na nanguna sa imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ni De Lima sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison kapalit ng election campaign funds. —-sa panulat ni Lea Soriano