Sa gitna ng kontrobersiya ng Department of Tourism (DOT) dahil sa iresponsable at maling produksyon ng tourism video, umaasa si Senator Robin Padilla na patuloy na maisusulong ang turismo ng Pilipinas.
Iginiit ni Padilla na hindi dapat mawala sa isip ng tao ang “Love the Philippines” bilang mensahe ng pag-ibig sa Pilipinas bilang diwa, kaluluwa, at puso ng pagsulong ng turismo sa bansa at bilang liham ng pag-ibig para sa bawat Pilipino at sa buong mundo.
Sinabi ni Padilla na kaisa siya ng mga Pilipino na nais makita ang kalinawan sa naging kakulangan sa tourism campaign video ng DOT at ang pagtiyak ng pananagutan sa mga may pagkakasala.
Binigyang diin din ng mambabatas na malaki ang kanyang tiwala sa kakayahan ni Tourism Secretary Christina Frasco, kasama ang kanyang pagkilala sa agarang aksyon ng kagawaran tungkol sa isyu na ito.
Hindi naman anya dapat matabunan ng kontrobersiya ang lahat ng accomplishment na nagawa ni Frasco para sa turismo ng bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News