Iminungkahi ni Senador Lito Lapid na pagsama-samahin ang mga tourism slogan ng bansa upang mas lumakas ang paghikayat sa mga turista.
Sinabi ni Lapid na maganda ang intensyon ni Tourism Secretary Maria Christina Garcia-Frasco at mga dating kalihim ng Department of Tourism na palakasin at i-promote ang mga tourist destination sa bansa.
Tinukoy ni Lapid sina dating Tourism Sec. Dick Gordon na may “Wow Philippines”, si Sec. Ramon Jimenez sa “It’s More Fun in the Philippines” at ngayon Sec. Frasco sa “Love the Philippines.”
Pagsama-samahin anya ang mga ito para mas lumakas ang turismo at gawing “Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!”.
Iginiit pa ng senador na ang kalituhan sa tinawag na “mood video” para sa “LOVE THE PHILIPPINES” campaign ng DDB Group Philippines ay hindi dapat makasira sa ilang buwang magandang trabahong ginawa ng DOT.
Wala anyang malisya o layuning manloko ng mga tao ang promotional video lalo na kung iisipin na ito ay para lamang sa mga opisyal ng DOT at iba pang “internal stakeholder” at hindi pa pampubliko. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News