Inaasahang malapit nang mailabas sa merkado ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF), na kumitil sa buhay ng libu-libong mga alagang baboy sa bansa.
Ito ay matapos i-anunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinaplano na ng Food and Drug Administration (FDA) na bigyan ng Certificate of Product Registration (CPR) ang ASF vaccines.
Sa talumpati sa Livestock and Aquaculture Philippines 2023 sa World Trade Center sa Pasay City, inihayag ng pangulo na nakumpleto na ang phase 1 ng safety at efficacy trials para sa ASF vaccines.
Kaugnay dito, nananatili umanong on track ang FDA sa pagbibigay ng CPR sa mga bakuna habang umaarangkada ang phase 2 ng trials.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang ipinatupad na Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program, kung saan nasa 430 farmers’ cooperatives at associations na ang nakinabang.
Samantala, umuusad din ang procurement ng bakuna para sa avian influenza. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News