Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang imbestigasyon sa smuggling at pag-manipula sa presyo ng sibuyas sa bansa.
Ayon sa Pangulo, ito ay nag-ugat sa findings ng Kamara sa mga isinagawang committee hearing.
Mababatid na sa memorandum ni Marikina Congresswoman Stella Quimbo sa Pangulo, iginiit nito na may mabigat na ebidensyang magpapatunay na mayroong onion cartel sa bansa, na maaaring itong naging sanhi ng pagsipa ng presyo ng sibuyas noong 2022.
Kaugnay dito, inatasan na ni Marcos ang Department of Justice at National Bureau of Investigation na pangunahan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling, at price fixing ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura.
Iginiit ng Pangulo na ang mga ganitong gawain ay maituturing nang economic sabotage, kaya’t kanila umanong sisiguruhin na mananagot sa batas ang mga nasa likod ng smuggling at price fixing ng sibuyas. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News