Tulad ng ginawa ng Vietnam, nais din ni Senador Jinggoy Estrada na ipaban sa Pilipinas ang pagpapalabas ng pelikulang ‘Barbie’.
Ito ay dahil sa sinasabing clip o eksena sa pelikula na may mapa at ipinapakita ang nine-dash line ng China sa South China Sea.
Iginiit ni Estrada na bagamat maituturing na ‘fiction’ o kathang isip lang ang pelikula, ang usapin ng nine-dash line ng China at ang teritoryo ng bansa ay napakasensitibong isyu.
Binigyang-diin ng senador na taliwas sa pambansang interes ang eksena sa pelikula at walang ‘historic rights’ ang China sa karagatan o teritoryo na sinasabing sakop ng nine-dash line.
Ipinaalala ng senador na mismong ang Arbitral tribunal ang nagdesisyon noong 2016 na walang basehan ang linya na ginawa lamang ng China.
Sinabi ni Estrada na matagal na ipinaglaban ng gobyerno ang karapatan ng bansa sa ating teritoryo at marapat lamang na manindigan tayo sa mga usapin na may kinalaman sa soberenya ng bansa.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang mga naunang pelikula tulad ng ‘Unchartered’ at ‘Abominable’ ay hindi pinayagan ang pagpapalabas sa mga sinehan sa bansa sa parehong dahilan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News