dzme1530.ph

Mataas pa ring kaso ng TB sa bansa, pinatutugunan ng pangulo sa DOH

Pinaa-aksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) kaugnay ng nananatili pa ring problema sa mataas na kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Health Sec. Ted Herbosa na ang Pilipinas ay isa pa rin sa mga nangungunang bansa pagdating sa kaso ng TB, at pumapang-apat umano ito sa buong mundo.

Sinabi pa ng DOH Chief na karamihan sa mga pasyente ay hindi na tinatapos ang gamutan sa TB kapag pakiramdam nila na sila ay maayos na at wala nang sintomas.

Kaugnay dito, mula sa anim na buwan ay paiikliin na sa apat na buwan ang therapy para sa regular TB, habang tatakbo naman sa loob ng anim na buwan ang gamutan para sa multiple drug-resistant patients.

Ginagamit na rin ang artificial intelligence diagnosis na may radiology kung saan natutukoy na kung may TB ang isang tao sa pamamagitan ng computer.

Plano na ring gamitin ang video-assisted therapy para hindi na kailangang magtungo ng madalas ng pasyente sa health centers.

Iginiit ni Herbosa na isa sa mga unang utos sa kanya ni Pangulong Marcos ay ang tugunan ang problema sa TB. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author