Pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin na ang Public Health Emergency sa bansa kaugnay ng COVID-19.
Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Health Sec. Ted Herbosa na ang kauna-unahang utos sa kanya ng Pangulo ay ang bumangon mula sa pandemya, at ibalik ang sigla ng ekonomiya.
Gayunman, sinabi ni Herbosa na pinag-aaralan pa ng pangulo ang consequences ng pag-aalis ng Public Health Emergency, katulad ng pagkawala ng bisa ng Emergency Use Authorization sa mga bakuna, na magagamit sana sa bivalent vaccines.
Kaugnay dito, sinabi ni Herbosa na naghihintay pa siya ng pormal na anunsyo mula sa pangulo o resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 kaugnay ng lifting ng Public Health Emergency.
Sa kabila nito, ipina-alala ng DOH Chief na kahit alisin na ang Public Health Emergency ay kailangan pa ring mag-ingat ng mga tao at magpaturok pa rin ng bakuna. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News