Naniniwala si Senador Sonny Angara na tila nalugi ang gobyerno sa inilabas na kontrobersyal na ‘promotional video’ ng Department of Tourism (DOT).
May kinalaman ito sa bagong campaign slogan na “Love the Philippines” na karamihan ay hindi kuha sa Pilipinas at hinugot lamang sa mga stock footage ng story blocks na isang video creation platform.
Sinabi ni Angara na mistulang nalugi ang pamahalaan sa campaign video na ito lalo’t naunang iniulat na aabot sa P49-M ang ginastos ng DOT para sa bagong tourism slogan.
Pinayuhan ng Senador ang ahensya na ang pinakamainam na gawin ay gumawa na lamang ulit ng bagong campaign video.
Iginiit pa nito na dapat ay may kaunting pride man lang tayo sa ating trabaho lalo na kung ang gusto nating gawin ay maipagmalaki at maibenta ang Pilipinas sa mga turista.
Nais naman ni Senador Nancy Binay na magkaroon ng accountability sa panibagong kapalpakang ito sa tourism campaign video.
Ipinaalala ni Binay na hindiito ang unang ppagkakataon na nagkaproblema sa campaign slogan ng DOT.
Hindi anya dapat nagpapabaya ang DOT sa multi-milyong pisong kampanya at dapat ay maging kritikal ito sa pagsusuri ng mga konsepto, storyboard at draft na ginagawa ng mga ad agencies. —sa ulat Dang Garcia, DZME News