dzme1530.ph

Sen. Tulfo, dismayado sa mga pasilidad sa PUP, Sta. Mesa

Dismayado si Senador Raffy Tulfo sa nakitang kalagayan ng mga pasilidad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila matapos siyang magsagawa ng inspeksyon base sa hiling ng ilang estudyante.

Napansin ni Tulfo ang mga lumang laboratory equipment ng Engineering Department na tila maituturing nang basura gayundin ang mga butas-butas na bubong at sira-sirang sahig na tila bibigay na.

Napuna rin ng mambabatas ang mga gusaling kailangan nang i-renovate kasama ang mga silyang nangangalawang at marupok na sa kalumaan gayundin ang mala-pugon na hallways at classrooms dahil kulang sa ventilation kasama na ang mga elevators sa iba’t ibang gusali na sira, na dapat sana’y pinapakinabangan ng mga estudyanteng PWD.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng mambabatas ang ilan sa mga gusali na walang kuryente dahil sa konstruksyon subalit may proyekto na halos isang taon nang ginagawa pero paghuhukay pa lang ang natatapos.

Ipinaliwanag naman nina University President Manuel Muhi at Vice President for Administration Adam Ramilo, na taun-taon ay tinatapyasan ng Department of Budget Management (DBM) ang kanilang budget kaya tali ang kanilang mga kamay sa paggawa ng karampatang building improvements at pagbili ng mga modernong kagamitan.

Dahil dito, nangako si Tulfo kina Muhi at Ramilo na tutulong na maipaglaban ang pondo ng PUP sa susunod na budget hearing ng Senado para mapaayos at mapaganda ang campus lalo pa’t nang malaman niya na marami sa mga estudyante rito ay mga anak ng OFWs. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author