Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siyang chairman ng National Innovation Council (NIC) ang National Innovation Agenda and Strategy Document (NIASD) 2023-2032, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa isang pahayag, sinabi ng PCO na binabalangkas ng NIASD 2023-2032 ang plano ng Pilipinas na paghusayin pa ang pamamahala at magtatag ng dynamic innovation ecosystem.
Sa ika-limang pagpupulong ng NIC, ipinakita ni National Economic and Development Authority (NEDA) Usec. for Policy and Planning Rosemarie Edillion ang mga katangian ng NIASD.
Sinabi rin ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan, vice chairman ng NIC, na ang pagtatag ng dyanamic innovation ecosystem ay isa sa mga estratehiya ng transformation agenda na tinukoy sa Philippine Development Plan 2023-2028 upang maabot ang maunlad, inklusibo, at matatag na lipunan.
Samantala, ang NIC ay binubuo ng 25 miyembro ng policy advisory body mula sa 16 na department secretaries at pitong executive members mula sa pribadong sektor. —sa panulat ni Airiam Sancho