Nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na mas hihigpitan pa niya ang pagrerenda sa kanyang mga kasamahan sa senado sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 24.
Sinabi ni Zubiri na mas magiging “assertive” na siya sa pagpapanatili ng tamang decorum o pag-asta sa mataas na kapulungan.
Ibinahagi rin ng senador na nakausap na niya si dating Senate President Franklin Drilon na una nang nagpayo sa kanya na panatilihin ang integridad at kredibilidad ng Senado sa pamamagitan ng pagpapapnatili ng tamang asal sa loob ng kapulungan.
Hindi anya siya napikon nang unang lumabas ang pahayag ni Drilon dahil nirerespeto niya ito at ang payo ng dating senador.
Nilinaw ni Zubiri na dati naman na niyang pinagsasabihan ang kanyang mga kasamahan kapag nagiging maingay at magulo na ang mga ito sa session hall pero sa pagkakataong ito aniya ay gagawin na niya ang pagsaway ng mas may paninindigan.
Inatasan na rin ni Zubiri ang Office of Sergeant-at-Arms na ipatupad ang rules at proper decorum sa senado at paalalahanan ang mga bumibisita sa mataas na kapulungan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News