dzme1530.ph

Final action sa POGO operations, nasa kamay ni PBBM

Nasa desisyon na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung palalayasin na sa bansa ang mga POGO subalit tiniyak ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na bubuo ang Senado ng iisang stand kaugnay nito.

Sinabi ni Zubiri na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ay tatalakayin nila ang magkaibang rekomendasyon ng Senate Ways and Means Committee ni Senador Win Gatchalian at Senate Committee on Public Order and Dangerours Drugs na pinamumunuan naman ni Senador Bato dela Rosa.

Sa rekomendasyon ni Gatchalian, nais nitong tuluyan nang i-ban ang mga POGO sa bansa habang si dela Rosa ay nagrekomenda ng regulasyon sa mga offshore gaming operators.

Para kay Zubiri, maaari nang i-phase out ang mga POGO subalit ang diskusyon na lamang anya ay kung gaano kahaba ang pagpapaalis sa mga ito sa bansa.

Kung regulasyon naman anya ang gagawin, dapat tiyakin na nasa isang lugar lamang ang mga ito upang madaling mamonitor.

Dapat din anyang taasan ng buwis sa mga POGO at ayusin ang koleksyon sa mga ito upang matiyak na may pakinabang ang bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author