Itinuturing ni Senador Sonny Angara na malaking tagumpay sa unang isang taong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panghihikayat nito sa mga dayuhang mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa bansa.
Binigyang-diin ni Angara na nakikita naman ng lahat na pursigido ang Pangulo na maipakita at maipagmalaki sa buong mundo ang abilidad at kakayahan ng mga Filipino.
Ayon pa kay Angara, magbibigay ng maraming oportunidad sa mga manggagawang Pinoy ang pagpasok ng mga foreign investors sa bansa.
Samantala, pinangunahan ni Angara ang inagurasyon ng Senator Edgardo Angara Convention Center na pinakamalaking infrastructure project sa Baler, Aurora.
Sinabi ng senador na ito ay ang pangarap ng kanyang yumaong ama para sa Baler at sa buong lalawigan ng Aurora kasabay ng pagtiyak na masusundan pa ito ng National Museum at World-Class Skate Park. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News