Pumalag ang kontrobersiyal na si Atty. Larry Gadon sa parusang disbarment na iginawad sa kanya ng Korte Suprema.
Sa kanyang press statement, sinabi ni Gadon na iaapela niya ang desisyon ng Supreme Court en banc sa pamamagitan nang paghahain ng motion for reconsideration.
Iginiit ni Gadon na lubhang mabigat at malupit ang parusa sa kanyang naging galit sa reporter na si Raissa Robles na nagpapakalat ng fake news o kasinungalingan laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong campaign period na ang layunin ay lokohin ang publiko at sirain ang kandidatura ni Pangulong Marcos.
Si Gadon ay itinalaga ng PBBM bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation ngunit kanyang tiniyak na hindi makakaapekto sa kanyang posisyon ang parusang disbarment na ipinataw sa kanya ng Pinakamataas na Hukuman.
Ang posisyon at trabaho aniyang ibinigay sa kanya ni Pangulong Marcos ay hindi nangangailangang maging abogado kaya walang epekto ang suspension at disbarment laban sa kanya.
Taas-noo aniyang haharapin ang mga pagsubok na kinakaharap na kaakibat ng pagkakatalaga sa kanya at layon niyang mapaglingkuran ang publiko sa abot ng kanyang makakaya. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News