dzme1530.ph

‘Love the Philippines’ slogan, bigyan ng tsansa sa halip na pintasan

Karapat-dapat na bigyan ng pagkakataon ang bagong campaign slogan ng Department of Tourism (DOT) na ‘Love the Philippines’ sa gitna ng pagsisikap ng gobyerno na makahikayat ng mga dagdag na turista na bibisita sa bansa matapos ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Chiz Escudero kasabay ng pagsasabing mas dapat na suportahan ng publiko ang slogan sa halip na pintasan ito.

Sinabi ni Escudero na ang huling bagay na nais niya para sa bansa at sa publiko ay makita na pinipintasan ng kapwa Pilipino ang slogan ng bansa sa harapan ng mga dayuhan at turista.

Aminado naman ang senador na naging matagumpay ang campaign slogan ng bansa na “It’s More Fun in the Philippines” dahil sa nakapagdala ito ng 4.47-M tourist arrivals noong 2013 hanggang umakyat sa mahigit 8.26 -M noong 2019 o bago ang COVID-19 pandemic.

Ang magandang tourism slogan anya ay dapat na catchy, memorable at may positibong mensahe para sa destinasyon.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na bukod sa slogan ang tagumpay ng kampanya ay nakasalalay din sa kakaibang alok ng mga tourist destination, target audience at marketing strategy.

Kinumpirma naman ni Escudero na ang kanyang personal favorite slogan ay ang ‘Incredible India’ na inilarawan nitong simple, memorable at may tamang representasyon sa kanilang lugar. — sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author