Patunay ng magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at UAE ang pagpapatawad sa tatlong Pinoy convicts.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III kasabay ng papuri nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa gobyerno ng UAE dahil sa pagbibigay ng pardon sa tatlong Pinoy.
Sinabi ni Pimentel na ang “Act of compassion and mercy” na ito na ipinaramdam sa tatlong Pinoy kabilang ang dalawa na nahaharap parusang kamatayan ay testamento ng maayos na kooperasyon ng dalawang bansa.
Iginiit ng senador na sa aksyong ito ng Pangulo ay pagpapakita ng dedikasyon ng pagtulong sa mga OFW at proteksyon sa kanilang kaligtasan.
Pinasalamatan din ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang gobyerno ng United Arab Emirates sa kanilang pagpapatawad.
Sa datos hanggang nitong Marso 2023, may 81 Pinoy na nasa ibayong dagat ang nahaharap sa mga kasong may parusang kamatayan.
Sinabi ni Villanueva na nagsisimula nang makita ang magandang resulta sa matibay na pakikipagugnayan ni Pangulong Bongbong Marcos sa liderato ng iba’t ibang bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News