Umaasa si Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi maaapektuhan ang legal services na ibinibigay sa mga OFW sa sandaling mailipat na sa Department of Migrant Workers (DMW) mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang assistance to national (ATN) functions simula sa July 1.
Pinatitiyak ni Villanueva na magiging smooth at seamless ang serbisyo sa mga OFW lalo na sa mga may nararanasang stress sa kanilang trabaho.
Sinabi ng senador na ang paglilipat ng ATN functions sa DMW ay naglalayong matiyak na maibibigay sa mga OFW ang kaukulang tulong.
Sa ilalim ng DMW, magkakaroon ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) fund na hiwalay pa sa pondo mula sa DFA.
Ang AKSYON fund ay aabot sa mahigit P1-B na laan para sa iba’t ibang serbisyo sa mga OFW, kabilang na ang legal assistance, welfare, at emergency response sa migrant Filipinos.
Tiwala si Villanueva na magpapatuloy ang aksyon ng DMW upang maisaayos ang sistema para sa mga OFW at maisalang sa training ang mga opisyal at tauhan nito. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News