Wala pa ring nakikitang malaking pagbabago si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mga problema sa agrikultura sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Pimentel na sa isyu pa lamang sa asukal, nagkaroon na ng dalawang kontrobersiya sa loob ng halos isang taon nito sa panunungkulan.
Patuloy din anya ang smuggling at nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas at iba pang pangunahing produkto kaya nahihirapan pang lalo ang mga kababayan nating mahihirap.
Kaugnay nito, naniniwala si Pimentel na panahon na upang magtalaga ang Pangulo ng full time Agriculture Secretary upang matutukan ang isyu sa agrikultura.
Sa panig naman ni Senador Jinggoy Estrada, sinabi nito na dapat nang magkaroon ng Agriculture Secretary upang maibawas ito sa trabaho ng Pangulo.
Ipinaalala ni Estrada na masyado nang maraming trabaho ang Punong Ehekutibo para matututukan nang todo ang DA.
Naniniwala naman si Senador Robin Padilla na may grand plan ang Pangulo sa DA kaya’t hindi pa ito binibitiwan.
Umaasa naman siyang mapagtutuunan din ng konkretong solusyon ang mga problema sa agrikultura. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News