Muling binuhay ng transport group na Pasang Masda ang kanilang kahilingan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na fare surge tuwing rush hour.
Ito ay makaraang umakyat muli sa P50 ang kada litro ng diesel.
Ayon kay Pasang Masda President Ka-Obet Martin, dahil sa epekto ng paggalaw sa pandaigdigang pamilihan, nangangamba sila na posibleng lalo pang tumaas ang presyo ng diesel.
Aniya, 50 centavos hanggang piso na fare surge ang kanilang hinihingi tuwing rush hour mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Sinabi pa ni Ka-Obet, na sana raw ay mapagbigyan ng LTFRB ang kanilang kahilingan gaya umano ng inaprubahan nitong taas pasahe sa MRT at LRT.
Dagdag pa nito, otomatiko naman nilang aalisin ang fare surge kapag muling bumaba ang presyo ng diesel. —sa ulat ni Neil Miranda, DZME News