dzme1530.ph

DOJ, no comment sa inihaing motion of inhibition ng kampo ni Cong. Teves

Tumanggi ang Department of Justice (DOJ) na magkomento sa mosyon ng kampo ni Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo Teves Jr. na magbitiw sa pagdinig ng kasong pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ang pagtanggi ni Justice Assistant Secretary and Spokesman Atty. Mico Clavano ay pag-iingat aniya na anumang pahayag patungkol sa motion for inhibition, ay magamit, laban sa kagawaran.

Pinaliwanag ni Clavano na ang DOJ ay hindí judicial o quasi-judicial body na nagpa-function bilang judicial o quasi-judicial body, kundí ahensiya na nasa ilalim ng sangay ng ehekutibo.

Bilang ahensiya aniya sa ilalim ng pamumuno ng Pangulo, may kalayaan at kapangyarihan ang panel of prosecutors na magdesisyon sa hinahawakang kaso, gaya ng kinakaharap ni Cong. Teves.

Naniniwala si Clavano na hindi nakakabahala sa pagresolba ng prosekusyon ang inihaing mosyon ng depensa lalo na sa susunod na preliminary investigation.

Pinagbibitiw ng mga abogado ni Cong. Teves sa pangunguna ni Atty. Ferdinand Topacio ang DOJ sa paghawak ng kaso dahil sa pagiging bias ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na agad nang hinatulan ang kanyang kliyente.

Nais ng depensa na si Ombudsman Samuel Martires ang maglitis sa kaso ni Cong. Teves dahil sa pagiging patas at tinataglay na integridad sa paghawak ng mga kaso, at hindi pulitiko na gustong magpasikat dahil wala namang political ambition. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author