Muling nanawagan si Senador Francis Tolentino sa Malakanyang partikular kay Pangulong Bongbong Marcos na magdeklara na ang State of National Calamity dahil sa lumalalang epekto ng African Swine Flu (ASF) sa local swine industry.
Ipinaliwanag ni Tolentino na ang local swine industry ay isa sa mga pinakamalaking livestock subsector at pangalawa sa pinakamalaking contributor sa Philippine agriculture, kasunod ng bigas.
Ang panawagan ay inulit ni Tolentino kasunod ng datos na umabot na sa 460 bayan sa 54 na lalawigan ang epekto ng ASF.
Una na ring inihain ni Tolentino ang Senate Resolution 565 para sa pagdedeklara ng national calamity.
Ayon kay Tolentino, kung makakapagdeklara ng state of calamity sa buong bansa dahil sa ASF magagamit ng Department of Agriculture maging ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno ang kanilang quick response fund at iba pang pondo para makagawa ng aksyon at programa upang mapigilan ang higit na pagkalat ng ASF para matulungan ang mga nalulugi sa swine industry.
Maaari rin anyang ipag-utos ng Pangulo ang paggamit ng savings ng ilang ahensya para sa usapin. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News