Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ng reklamong kriminal ang NBI detainee na si Jad Dera at anim na NBI security personnel, matapos silang arestuhin pagbalik nila sa NBI compound sa Maynila.
Si Dera ay inakusahan ng corrupting public officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code, matapos umanong suhulan ang security personnel para payagan siyang makalabas ng NBI detention facility mula alas-8:00 ng gabi noong Martes hanggang Miyerkules ng hatinggabi.
Ang anim na NBI security personnel naman ay nahaharap sa mga reklamong infidelity in the custody of prisoners/detained person, bribery, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dinala ang pito sa DOJ para sa inquest proceedings kahapon, at obligado silang magsumite ng kanilang counter affidavits sa July 29. —sa panulat ni Lea Soriano