dzme1530.ph

Cebu Pacific, humingi ng paumanhin sa mga naging problema sa overbooking

Humingi ng paumanhin ang Cebu Pacific sa kanilang mga pasahero dahil sa mga aberyang nangyari sa kanilang mga biyahe kasabay ng pagtiyak na reresolbahin ang mga problemang kanilang kinakaharap.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Cebu Pacific Air Chief Commercial Officer Alexander Lao na hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo nagkakaroon ng problema sa aviation industry.

Ipinaliwanag ni Lao na ngayon ay nasa 120 airbus aircraft ang hindi makalipad dahil walang spare engine support ang Pratt and Whitney na kumpanyang gumagawa ng makina ng airbus na ginagamit ng kumpanya.

Inamin din ng kumpanya na tatlong eroplano ng Cebu Pac ang apektado ng problema sa makina habang lima pa ang nasira.

Sa panig ng PAL, iginiit ni Ma. Clara de Castro, vice president ng Legal Affairs Department na minimal lang nangyayaring denied boarding sa kanila dahil sa overbooking.

Binigyang-diin din ni de Castro na ang overbooking ay international standard practice hindi lamang sa airline industry kundi maging saa hotels and accommodations industry. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author