Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na magiging mahalagang contributor ang sektor ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa.
Sa talumpati sa ika-125th founding anniversary ng Department of Agriculture (DA), binigyang-diin ni Marcos ang kahalagagahan ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, gaya aniya ng naitalang 2.2% na pagtaas ng growth rate sa sektor na nag-ambag ng 9.1% sa kabuuuang gross domestic product.
Ayon pa sa Pangulo, na siya ring nagsisilbi bilang kalihim ng DA, sa kabila ng pagbuti ng naturang sektor ay kailangan pa rin itong pagbutihin sa pamamagitan ng mga programa at proyekto.
Iginiit pa ni Marcos na dapat pagmasdan, pag-aralan, at bantayan ang mga kinahaharap na problema sa sektor ng agrikultura tulad ng mababang produksyon, climate change, at pagbabago sa merkado.
Samantala, tiniyak ng pangulo na patuloy ang kagawaran sa pagbuo ng mga hakbang upang mapabuti ang agri-fishery practices at products, at mapalakas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda. —sa panulat ni Airiam Sancho