Pinapayagan nang makapagtrabaho sa mga pampublikong pagamutan ang mga nursing graduates kahit na bigong makapasa sa board exams.
Ito ang binigyang linaw ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa kaugnay sa plano ng pamahalaan na tumanggap ng lisensyadong nurses para magtrabaho sa gobyerno.
Ayon sa kalihim, aprubado na rin umano ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang naturang mungkahi.
Kailangan lamang aniya na makipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission (PRC) upang mabigyan ng pansamantalang lisensya ang mga eligible nursing graduates.
Gayunman, iginiit ni Herbosa na sa oras na makapasa na sa board exam, kailangan na pumirma sa kasunduan ang mga nurse na magseserbisyo sa gobyerno sa loob ng apat na taon bago mangibang bansa.
Ang mga makakapasok sa alok na ito ng pamahalaan ay maaaring makakuha ng panimulang suweldo na humigit-kumulang P35,000 hanggang P40,000, at posible pang tumaas depende sa kanilang performance. —sa panulat ni Jam Tarrayo