Siyam pang panukala ang inirekomenda ng Senado na maisama sa priority measures ng administrasyon.
Sa pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na pinangunahan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maisama sa Common Legislative Agenda (CLA) ang siyam na panukala na sisikaping mapagtibay ngayong pagpasok ng second regular session ng 19th Congress.
Bukod pa ito 42 panukalang kabilang na sa listahan ng agenda.
Kasama sa mga panukalang nais mabigyang prayoridad ng Senado ang Philippine Defense Industry Development Act (PDIDA), Cybersecurity Law, at pagamyenda sa procurement provisions ng AFP Modernization Act.
Ayon kay Zubiri, ang mga ito ay mahalaga sa pagpapalakaas ng militar at sa pangkalahatang pagsisikap na makapagtaguyod ng tunay na maaasahan o self-reliant na defense strategy.
Ipinapaprayoridad din ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act, Batang Magaling Act, Safe Pathways Act, Open Access in Data Transmission Act, Tatak Pinoy Act, at Blue Economy Act. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News